Content text Ang Singsing-Pari sa Pisara-2nd prize.docx
Page 1 of Tungkol sa Kuwento: Ang kuwentong pambatang ito ay naglalayong ituro sa mga batang mambabasa ang halaga ng mga bantas (punctuation marks) sa mga nakasulat na komunikasyon o pahayag. Tampok sa kuwento ang pagmamaliit ng mga pangunahing bantas sa inaakala nilang dumi o walang-halagang marka, ang kuwit. Pinatunayan ng grupo ng kuwit na may halaga sila sa isang pahayag o talata. Gayundin, ipinamalas nila ang pagkamalikhain nang makalikha sila ng mga marikit na imahen dulot ng kanilang pagsasama-sama. Rekomendado ito sa mga mag-aaral mula grado 1-4. Ang Singsing-Pari sa Pisara Kumiriring ang bell. Nagmamadaling lumabas ang mga bata para sa kanilang recess, bitbit ang kanilang bag ng mga pagkain. Samantala, may naiwang mga nakasulat sa pisara. Pagkalabas na pagkalabas ng guro, hanggang wala nang naiwang bata sa silid-aralan, ay naghagikgikan at naggitgitan ang sari-saring mga bantas. Naghabulan sina Tuldok at ang kambal na sina Panipi. Naglambitin naman si Tutuldok sa mga titik at hinihipang parang pulboron ni Gitling ang alikabok ng tisa. Napikon naman si Tandang Pananong nang napahiyaw sa gulat si Tandang Padamdam sa pagkikilitian ng mga bulilit na Kuwit. Nang mapagod na sa kakalaro ang mga bantas. Nag-umpukan sila sa gitna ng pisara at nagbidahan. “Bakit lahat ng mga pahayag mo’y sinusunod, Tandang Padamdam?” usisa ni Tandang Pananong.
Page 2 of “Baka naman dinadaan sa gulat,” sabat ni Gitling, na sumunod ding nagpasiklab. “Pinagtatambal ko ang dalawang salita para magkaroon ito ng bagong kahulugan. Pitik-bulag, lipat-bahay, kapit-bisig, bukang-liwayway. Pinagdidikit ko ang magkatulad na salita para lumikha ng bagong salita. Paru- paro, salu-salo, halu-halo, ulu-ulo.” “Bakit ikaw, Tandang Pananong, lahat ng iyong sinabi ay hinahabol ng tugon?” pagtataka ng kambal na Panipi na yakap-yakap ang mga ginintuang aral mula sa dakilang aklat. Biglang namangha at namilog ang mga mata ng mga bantas nang makita ang tangay-tangay na salawikain ng kambal na Panipi: “Ang hindi magmahal sa sariling wika ay daig pa ang malansang isda.” Gumulong sa kakabungisngis si Tutuldok hanggang sa siya naman ang napansin ng iba pang bantas. Kitang-kitang tangay-tangay niya ang sari-saring pangalan na siyang inilista ng guro kanina. May pangalan ng mga prutas, ng mga bulaklak. May pangalan ng mga halaman, ng mga hayop. Agad namang napaubo si Tuldok at tumayo sa harapan ng mga kasama. “ Hay naku, pagod na pagod ako. Ang dami kong binuong mga pahayag. Ang dami kong tinapos na salaysay. Sunod-sunod rin ang winakasan kong mga pangungusap. Bida yata ako sa bawat saknong, sa bawat talata.” Napaismid si Tandang Pananong sa pagyayabang ni Tuldok. Napansin niyang tahimik na kinakalabit ng mga Kuwit ang mga namamahingang titik.
Page 3 of “Hoy, mga Kuwit! Kayo ba’y sadyang makulit?” taas-kilay na paninita ni Tandang Pananong. “Hayaang umidlip ang mga titik!” singhal ni Tandang Padamdam. Nagbulung-bulungan sina Tutuldok at Panipi. Tinitigan nila mula ulo hanggang paa sina Kuwit. Lumapit sila kay Tandang Pananong, waring may sasabihing lihim. Pagkaraan, tumalas ang tingin ni Tandang Pananong sa nagkakasiyahang mga kuwit. Pinaswitan niya ang mga ito at saka hinarap. “Ano ba ang ginagawa ninyo sa maghapon? Ano ang inyong silbi sa mga pangungusap? Aksaya ba kayo ng mga chalk? Dumi lang ba kayo ng pisara?” Nagitla ang mga Kuwit sa paratang ng matanda. Pakiramdam nila, iniipit sila ng mga dambuhalang titik at itinutulak sila ng iba pang mga bantas papalayo ng pisara. “Ilahad, ngayon din, ang inyong mga silbi,” halos hiyaw ni Tandang Padamdam. Nagkumpulan ang mga kuwit at nagniningning ang kanilang mga mata na parang mga bituin. Pumagitna sila sa umpukan at sabayang nagwika: “Kung wala kami, magbabanggaan ang mga titik. Magkakabundulan ang mga salita hanggang magkabuhol-buhol ang pangungusap. Kakapusin ng hininga ang mga batang bibigkas. Mabubulol sila at malilito ang guro. Iyan ang aming halaga sa balat ng pisara.”
Page 4 of Napairap si Tuldok sa winika ng mga kuwit. “Wala kayong galang. Natuto na kayong magyabang. Hamak lamang kayong mga kuwit. Isang maikling guhit sa gitna ng pangungusap.” “Nararapat kayong manatili sa gilid! Doon kayo nababagay.” Nagdadabog na winika ni Tandang Padamdam. Nangingilid ang luhang nilisan ng mga kuwit ang umpukan. Hindi na nila nakuha pang magpaalam sa mga pinagsisilbihan nilang mga titik. Sa gilid ng pisara, malungkot na pinagmamasadan ng mga kuwit ang kasiyahan ng ibang bantas. Nakapangalumbaba sila habang tuloy pa ring nagpapaligsahan ang dating mga kasama. Halos magbuntalan pa nga sina Tuldok at Tandang Pananong nang magsalubong ito sa isang talata. Isang batang kuwit, na inip na inip sa gilid, ang dumungaw sa labas ng silid-aralan. Siya’y si Walastik. Minasid niya ang mga batang mag-aaral na naghahabulan, nagtataguan, nagpapadulas, sumasakay ng duyan, umaakyat ng punong mangga sa may playground. Waring may kumidlat sa isip ni Walastik. Pinag-aralan niya ang bawat laro at galaw ng mga bata. Kinabisa ng batang kuwit ang kilos ng mga paa, braso, kamay at daliri. Kay sasaya nila! sabi niya sa sarili. Pagkaraan, pinulong niya ang iba pang kuwit at hinimok na maglaro. Itinuro niya ang mga larong kaniyang napagmasdan. Naghawak-hawak ng kanilang mga kamay ang isang grupo ng mga kuwit at bumuo ng malaking bilog. Pinalalaki nila ang bilog at pinaliliit. Sabay-sabay nilang inawit ang: