Content text Pamamanhikan-2nd prize.doc
Pamamanhikan | 1Palanca 2013: Maikling Kuwento Pamamanhikan Wala siyang ibang hinihintay kundi ang pagsapit ng huling Sabado at Linggo ng buwan. Ito ang takdang pag-uwi ni Maria Celeste. Muli na namang kikilitiin ang kaniyang mga hapon ng walang humpay na kuwentuhan, at pupuyatin ang kaniyang mga gabi ng magdamag na kantahan. Sabado na. Malapit na ring magpalit ang buwan. Ilang oras mula ngayo’y darating na ang bunso niyang anak pero ito ang kauna-unahang pagkakataong bumangon siya nang maaga na walang halong pananabik. Magdamag niyang ibinabad ang karne ng manok upang manuot ang pinaghalong suka at toyo na nilagyan ng tinadtad na bawang at binudburan ng pinulbos na paminta. Nakasanayan na kasi niyang ipagluto si Ces ng paborito nitong adobo. Pero ngayon, nagdadalawang-isip siya. Tinangka niyang itapon ang marineyd at ang mga rekadong panggisa ngunit nagsimulang magdikdik ng bawang ang kaniyang mga kamay. Pinanood niya ang mga ito habang tinatalupan ang bawat piraso. Isinunod nitong alisin ang mga nanunutong na balat ng sibuyas-Tagalog. Pagkatapos ay inilublob ang mga nangingintab na dilang-apoy sa isang tabo ng tubig upang kahit papaano’y maibsan ang mabangis nitong katas. Napangiti siya. Naalala niyang hindi natutong magluto ang kaniyang bunso dahil sa sibuyas. Mahirap kasing patahanin si Ces kapag nasimulan nito ang pag-iyak. Ganoon na ito simula pagkabata, kaya naman nang minsan nitong subuking pag-aralan ang kusina’y di na umulit pa. Pero kung ano ang iling ni Ces sa sibuyas ay siya namang hilig niya sa prutas lalong- lalo na sa hinog na langka. Gustong-gusto kasi niya ang banayad na pagsabog ng matamis na amoy kapag hinihiwa na ang bunga. Gayundin ang pakiramdam sa kamay ng mantikang
Pamamanhikan | 2Palanca 2013: Maikling Kuwento pampadulas sa malagkit na dagta. At siyempre, ang sensasyong dulot ng mga hibla ng laman ng langka kapag hinihimay; kapag pumapagitan na ang mga ito sa bawat siwang ng kaniyang mga daliri. Sa ganoong mga pagkakataon lang sila nakakapagkuwentuhang mag-ina sa kusina, kaya’t laking gulat niya nang minsang lapitan siya ng kaniyang bunso upang magpaturong magluto. Hindi niya napigilang mapatawa nang kumuha si Ces ng isang sibuyas-Tagalog at agad na inilapag sa sangkalan. “Bakit?” nakangising tanong ng kaniyang bunso bago ito nagsimulang maghiwa. “Kung gusto kong matutong magluto, dapat handa akong mapaiyak ng sibuyas. Ikaw ang may sabi n’yan.” Pagkabanggit na pagkabanggit niyo’y alam na niyang may nais sabihin ang anak. Gayon ito kapag may kasalanan o kaya’y sikretong hindi na kayang kimkimin. Biglang sumisipag. Parang noong mabasag nito ang piguring anghel na subenir sa isang binyag kung saan siya nag-ninang. Dinatnan niyang nakakalat sa sahig ng kanilang maliit na sala ang buo- buong pulang plorwaks. Agad na napatayo si Ces na noo’y anim na taon pa lamang. Mahigpit ang pagkakahawak nito sa basahang kaniyang ipinanglalampaso. Pulang-pula at namumugto ang mga mata. Nagmamadali itong pumasok sa silid. Paglabas ay tangan na nito ang piguring di na mukhang anghel dahil sa dami ng teyp na idinikit dito. “Sigui na, sabihin mo na,” nakangiti niyang sabi. Bahagyang natigilan si Ces sa pagbabalat ng sibuyas. “Susmariosep! Balu cu ning style mu, ‘nak.” Lalo pa niyang nilambingan ang boses, “Sabihin mo na.” “Aray!” Agad na isinubo ni Ces ang hintuturong tinamaan ng talim ng kutsilyo. “Dios co! Hindi kasi nag-iingat.” Kinukuha niya ang kutsilyo sa anak. “Maghugas ka ng kamay. May band-aid doon sa tokador. Linisin mo agad at baka maimpeksiyon pa ‘yan.” Kinalma niya ang sarili bago itinuloy ang paghihiwa. Idinaan na lang niya sa biro ang pag-
Pamamanhikan | 3Palanca 2013: Maikling Kuwento aalala. “Aro, papa’no ka mag-aasawa n’yan e nasusugatan ka sa paggagayat pa lang ng sibuyas?” Dalawampu’t siyam na ang kaniyang bunso ngunit wala pa itong ipinakikilala sa kanila kahit na isang kasintahan. Masyado kasing abala sa pagtuturo sa isang unibersidad sa Maynila. Hindi naman niya masisi ang anak. Katuparan ng pangarap ni Ces ang pagiging guro. Pagkagradweyt nga nito’y agad na nag-aplay sa kolehiyo kung saan ito nagtapos, at agad din namang natanggap. Nakakuha na rin ito ng masters degree at kasalukuyang kinukumpleto ang dukturado sa matematika. Palagi niya itong ipinagmamalaki sa kaniyang mga kumare. Wala kasing ibang inatupag kundi ang pagpapatalino. Tila naninigurong mga henyong apo ang ibibigay sa kaniya. “Ing Atsi mu, high school pa lang, magaling na sa kusina. Tingnan mo ngayo’t malapit na namang madagdagan ang apo namin ng Tatang mo.” “Tungkol nga po pala d’yan, Ma,” sabi ni Ces habang binubuksan ang pakete ng band- aid. “Gusto ko na rin sanang makilala ninyo ang kasintahan ko.” “Atin na cang nobyo?” gulat niyang sabi. “Aba’y ngayon mo lang ito nabanggit, a.” “Kung papayag lang naman po kayo,” sabi ni Ces. Pinuna niya ang sarili. Ganito rin ang naging reaksiyon niya nang magpaalam ang kaniyang panganay upang magpakasal. Alalang-alala siya. Pero naisip niyang hindi naman kukunin si Ces ng kung sino. Isa pa, ito rin ang matagal na niyang hinihintay na mangyari sa kaniyang bunso. “Dios co, bakit naman kami hindi papayag? Maganda nga iyan at nang makilala naman namin.” At tuluyan nang nangibabaw ang tuwa. “Mamamanhikan na ba?” biro niya. Bahagyang napatawa si Ces. Marahan niyang nilapatan ng band-aid ang nasugatang daliri. “Ma, natatandaan mo si Anne?” Kumuha siyang muli ng isa pang sibuyas habang inaalala ang matalik na kaibigan ng kaniyang bunso. “Wa, ‘yung kasamahan mo sa Maynila.” Sa larawan pa lang niya nakikita si
Pamamanhikan | 4Palanca 2013: Maikling Kuwento Anne pero halos makilala na niya ito dahil sa mga kuwento ni Ces. Mabait. Matalino. Maganda. Responsable. Iyan si Anne ayon kay Ces. Malaki ang tiwala niya sa anak kaya’t pilit niyang ikinubli ang di maipaliwanag na pag-aalangan sa kaibigan nito. Wala rin naman siyang basehan. “Kamusta na nga pala iyon?” “Mabuti naman.” Humila si Ces ng isang monobloc at doon umupo. “Salamat nga raw pala sa ipinadala mong embutido.” “At salamat din sa padala niyang relyenong bangus. Nagustuhan namin ng Tatang mo.” Hinango niya mula sa tabo ang mga binabad na piraso ng nabalatang sibuyas-Tagalog. “Aba’y mahirap gawin ‘yun a.” Sinimulan niya ang paggagayat. “Isa pang masuwerte ang makakatuluyan ng kaibigan mong ‘yan.” Bigla siyang kinabahan. Hindi niya matukoy kung bakit ngunit nakaramdam siya ng pagsisisi sa pagbitiw sa huli niyang pahayag. Tila nakapagbukas siya ng isang talakayang hindi niya magugustuhan. “Masuwerte nga po ako, ‘Ma,” mahinang sabi ni Ces. “Nano?” Sinagot siya ni Ces ng isang buntong-hininga. Napahinto siya. Napatitig siya sa kaniyang anak. Kung noo’y nagmistulang anghel ang batang nakabasag ng pigurin nang ipagtapat nito ang inililihim, ngayo’y ang imaheng iyon naman ang nabasag. Tumungo ang kaniyang paningin sa sangkalan. Naisip niyang sadya ngang matapang ang katas ng sariwang sibuyas na pula. Nagbabaga na ang mga panggatong na kahoy sa kalan kaya’t agad siyang nagsalang ng palayok. Nakapaglagay na siya ng tatlong kutsaritang mantika nang mapansin niyang ang naisalang pala’y ang lumang palayok na bigay pa ng kaniyang ina. Marahan siyang napasabunot sa nakapusod niyang buhok. Sa hanay ba naman kasi ng mga kaldero, kaserola, kawali at iba pang mga palayok ay iyon pa ang kaniyang nadampot. Bihira na kasi niya itong gamitin. Inirereserba niya ang kakaibang linamnam na hatid nito sa ulam para sa mga espesyal